QCPD chief, nagbitiw sa puwesto
Matapos I-presscon ang EX-COP sa ‘gun toting’
MANILA, Philippines — Pormal nang nagbitiw sa puwesto si Quezon City Police District (QCPD) Director PBGEN Nicolas Torre III matapos na tumanggap ng mga pagbatikos kasunod nang pagdaraos ng isang pulong balitaan kasama ang dating pulis na nasangkot sa isang road rage incident sa Quezon City, na nag-viral pa sa social media.
Nabatid na magiging epektibo ang pagbibitiw ni Torre bilang hepe ng QCPD ngayong Huwebes.
Ayon kay PBGEN Torre, batid niya ang mga negatibong kritisismo laban sa kanya kaya’t napagtanto niyang nararapat lamang na magbitiw siya sa puwesto.
Aniya, nais niyang makapagsagawa ang mga awtoridad ng patas na imbestigasyon sa kaso, na hindi masasabing iniimpluwensiyahan niya ito, bilang hepe ng QCPD.
Giit niya, nais niyang lumabas ang katotohanan at patunayan na wala siyang pinagtatakpan na sinuman sa naturang kaso.
Kaugnay nito, inamin ni PBGEN Torre na nang mapanood niya ang video ay nag-init ang kanyang ulo at siya ay nagkomento upang pasukuin ang car driver sa viral road rage incident na malaunan ay nakilalang si Wilfredo Gonzales, na isang dating pulis.
Hindi naman aniya naging mahirap ang paghahanap kay Gonzales dahil agad itong sumuko sa kanyang tanggapan.
Nang malaman naman aniya ng media na nasa kanyang tanggapan si Gonzales ay umigting ang pagnanais ng mga ito na makapanayam siya.
Dito ay nabigyan ng pagkakataon si Gonzales na magbigay ng kanyang pahayag, sanhi upang lalo namang mabatikos ang heneral ng mga netizen.
Maging si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay nagalit din nang malaman na nabigyan ng platform ang dating pulis sa halip na arestuhin at kasuhan.
“Itong ating QCPD parang sumasang-ayon lang na para siya pa ‘yung nagsasabi ng, ‘Go ahead, give your side.’ It felt strange to me ... There was something wrong, in my view,” anang alkalde.
Humingi naman ng paumanhin si PBGEN Torre at inamin na dapat ay na-handle niya ng mas maayos ang sitwasyon at inako ang responsibilidad hinggil sa pangyayari.
Tiniyak naman niya na handa siyang harapin ang anumang kasong maaaring isampa laban sa kanya ng mga interesadong partido.
Matatandaang Agosto 8 nang magkaroon ng mainitang pagtatalo si Gonzales at ang hindi pinangalanang siklista, na nauwi sa pananakit at pagkakasa ng baril ng suspek sa biktima.
Nitong Martes, sinampahan na ng mga pulis ng kasong alarm and scandal si Gonzales sa piskalya.
Nirerespeto naman ni Mayor Joy Belmonte ang desisyon ni PBGEN Nicolas D. Torre III na magbitiw sa kanyang tungkulin bilang director ng Quezon City Police District.
“On behalf of the city, I would also like to express my sincere gratitude for the time, effort, and dedication that he devoted to his assignment throughout his tenure. Regarding the particular incident that led to Brig. Gen. Torre’s resignation, I understand that missteps are a part of everyone’s journey, and it is the manner in which we address them that truly defines us. His willingness to take ownership of the situation is commendable.” sabi ni Mayor Belmonte.
Sinabi ni Belmonte na patuloy nilang ipaiiral ang isang patas at walang kinikilingang imbestigasyon sa bagay na ito.
Anya ang City Legal Department at PLEB ay mananatiling matiyak ang katotohanan para magkaroon ng hustisya at pananagutan.
- Latest