No.1 ‘most wanted’ sa Misamis, timbog sa Valenzuela
MANILA, Philippines — Matapos ang halos anim na taong pagtatago sa batas, naaresto na ng mga awtoridad ang isang nakatalang Top 1 Most Wanted Person (MWP) sa Salay, Misamis Oriental matapos matunton ang pinagtataguan nito sa isinagawang operasyon sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela City Police Chief P/Col. Salvador Destura Jr. ang naarestong akusado na si Dexter Berito, 39, tubong Misamis Oriental, factory worker at residente ng Marton road, Brgy. Canumay East, Valenzuela City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Penones Jr, sinabi ni Destura na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela Police hinggil sa presensiya ng nagtatagong wanted sa nasabing lungsod.
Kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni P/Cpt Ronald Sanchez, kasama ang Salay Municipal Police Station, Misamis Oriental sa pangunguna ni P/Major Bermil Gentallan Alinas ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-11 ng gabi sa kaniyang tinutuluyang bahay.
Hindi na nakapalag ang suspect matapos mapalibutan ng raiding team ang kaniyang pinagtataguan.
Sinabi ni Sanchez na ang akusado ay pinosasan nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 41, Cagayan De Oro City noong Disyembre 14, 2017, kaugnay sa kasong parricide.
- Latest