Wanted na Kano, arestado ng BI
MANILA, Philippines — Timbog ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng American national na wanted dahil sa racketeering at financial fraud.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na sa pamamagitan ng warrant for deportation ay dinakip ang dayuhang si Rick Lee Crosby Jr., 44, ng mga operatiba ng BI-fugitive search unit (FSU) sa Palawan.
Pansamantalang ikinulong si Crosby sa Puerto Princesa District Office ng National Bureau of Investigation (NBI) bago siya ilipat sa BI facility sa Taguig City.
Agad ding ipababalik sa Amerika si Crosby. Nabatid na Disyembre pa ng nakalipas na taon naglabas ng summary deportation ang BI-board of commissioners at kasama na ang kaniyang pangalan sa immigration blacklist na nagbabawal na muling makapasok ng Pilipinas. Isa siyang undocumented alien matapos kanselahin ng US government ang kaniyang pasaporte.
Sinabi ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy na si Crosby ay nasa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) mula noong Abril 2020 matapos isyuhan ng warrant of arrest ng 13th Judicial Circuit sa HillsboArough County, Florida.
Kabilang sa kinasasangkutang kaso ng nasabing dayuhan ang racketeering, conspiracy to commit racketeering, at money laundering.
- Latest