5 bus drivers, positibo sa droga
Drug test sa mga terminal
MANILA, Philippines — Limang driver ang nagpositibo sa ilegal na droga nang magsagawa ng surprise inspection ang Land Transportation Office sa pangunguna ni LTO Chief Jay Art Tugade sa ilang pampublikong terminal ng bus sa Metro Manila.
Apat sa 80 driver at conductor na sumalang sa drug test sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang nagpositibo sa droga na isasalang sa confirmatory test.
Kinumpiska na ang driver’s license ng apat bunsod ng paglabag sa Section 5 ng Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2015.
Wala namang nagpositibo na sumalang sa breath analyzer test.
Isang bus din sa PITX ang hindi pinayagang makabiyahe dahil sa pudpod na gulong at problema sa ilaw.
“Sinabihan po natin ang bus company na magpadala ng pamalit na bus na roadworthy dahil mahaba po ang biyahe sa lalawigan at kailangang nasisigurong ligtas ang pagbiyahe nito para sa kapakanan ng mga pasahero,” sabi ni Tugade.
Sunod na tinungo ng LTO ang Araneta Bus Terminal sa Cubao, Quezon City at dito ay isinalang din sa random drug tests ang may 60 driver at conductor at isa rito ay nagpositibo sa ilegal na droga.
Namahagi rin ang LTO ng mga kopya ng Filipino Driver’s Manual bilang pagpapaalala sa mga driver hinggil sa pag-ingat sa pagmamaneho.
- Latest