Trabahador, nag-bomb joke sa MRT-3, arestado
MANILA, Philippines — Sa halip na makauwi sa kaniyang mag-ina, bilangguan ang binagsakan ng isang trabahador matapos na magbiro na may bomba sa loob ng bag ng kanyang kasamahan habang papasakay sila sa isang istasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Mandaluyong City kamakalawa.
Sising-sisi naman sa kanyang nagawa ang hindi na pinangalanang 25-anyos na lalaki, na residente ng Quezon City, at kasalukuyan pang nakapiit sa Mandaluyong City Police dahil sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law.
Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, papasakay umano sa Shaw Boulevard Station ng MRT-3 ang suspek at mga kasamahan nito kamakalawa ng hapon upang umuwi na matapos ang maghapong pagtatrabaho nang maisipan umano nitong magbiro at sabihing natatagalan ang paghalughog sa bag ng kanyang kasamahan dahil may laman itong bomba.
Narinig naman ito ng guwardiya ng MRT-3, sanhi upang kaagad siyang arestuhin at dalhin sa presinto.
“May isang grupo ng mga kalalakihan na habang nakapila. May isang lalaki... habang chine-check ‘yong bag ng kaniyang kasama, sumigaw siya, ‘May bomba yan!’kaya inaresto siya ng mga security ng MRT,”kuwento ni Capt. Edmer Nicolas, deputy commander ng Mandaluyong police sub-station 5.
Ipinaliwanag ni Nicolas na alinsunod sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, bawal ang mga naturang biro sa mga pampublikong lugar gaya ng mga airport, pier at istasyon ng bus at tren dahil maaari itong pagmulan ng kaguluhan at pagpapanik ng publiko.
May katapat aniya itong parusa na pagkakakulong ng hanggang limang taon at multa na hindi hihigit sa P40,000.
Aminado umano ang lalaki sa kaniyang nagawa ngunit iginiit na hindi niya ito isinigaw at tatlo lang silang nakarinig ng kanyang sinabi.
Kuwento pa niya, matagal na sinilip ang bag ng kaniyang kasama kasi marami itong dalang gamit pangtrabaho.
“Hindi ko naman sinigaw. Kung sakaling sinigaw ko po ‘yon, ‘matic nag-panic ‘yong mga tao doon,” aniya pa.
Aniya pa, haharapin niya ang kaso at nangakong hindi na niya ito uulitin pa.
- Latest