Port Operations Division ng immigration, binuwag
Dahil sa talamak na human trafficking
MANILA, Philippines — Binuwag na ng Department of Justice (DOJ) ang Port Operations Division (POD) ng Bureau of Immigration (BI) makaraan ang patuloy na problema sa human trafficking at ang hinihinalang pakikipagsabwatan ng ilang mga tauhan nito.
Pinirmahan na ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang kautusan para buwagin ang POD na tinukoy niya na depekto sa immigration system sa bansa.
“We will take away the centralization. We will leave the command responsibility to every person heading the operations in every airport,” ayon kay Remulla.
Sinabi naman ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na siya mismo ang nagrekomenda kay Remulla na buwagin na ang naturang dibisyon bilang bahagi ng reorganisasyon at pagsasaayos ng operational structure ng mga serbisyo sa mga paliparan.
“This will remove the centralized authority over all airports, as well as empower and exact accountability on the BI airport terminal heads, who are now directly responsible over the operation and management of their respective terminals,” saad ni Tansingco.
Mayroon umanong magulong sistema ng organisasyon ang POD at may mga doble na mga function ang mga opisyal nito dahilan para halos walang accountability o walang nananagot dahil sa maraming superior officer ang namumuno dito.
Sa pamamagitan nang pagbuwag sa POD, matutukoy umano kung saan at kanino nagmumula ang problema, habang makikita kung sino ang tunay na nagtatrabaho para maparangalan. — Butch Quejada
- Latest