3 ‘tulak’ timbog sa P700K shabu
MANILA, Philippines — Kalaboso ang tatlong hinihinalang notoryus na tulak ng ilegal na droga makaraang masabat sa kanila ang P700,000 halaga ng umano’y shabu at malansag ang pinatatakbo nilang drug den sa Taguig City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Juvylyn Basco Ramirez, alyas Bente, 42, drug den maintainer; Tahir Mamasabolod Sumlay, 34, at Bajunaid Candot Yusoph, 43, pawang mga ‘high-value individual-pusher’ na nakatala sa Taguig City Police Station.
Naaresto rin sa ikinasang pagsalakay sa drug den sa Rohale Street, Brgy. Calzada Tipas dakong alas-5:30 ng hapon ang mga kliyenteng user na sina Melandro Lazarte, 41; at Mark Anthony Alelojo, 40.
Sa ulat ng pulisya, anim na plastic sachet na naglalaman ng nasa 105 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P700,000 ang nasabat sa operasyon nang pagbentahan ng mga suspek ng ilegal na droga ang poseur buyer nila. Narekober din ang P500 marked money na gagamiting ebidensya sa korte.
Nakaditine na ang mga suspek sa Taguig City Police Custodial Jail at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehesive Dangerous Drugs Act of 2002 sa prosecutor’s office.
- Latest