30% dagdag sa sahod ng mga papasok sa trabaho sa May 9 – DOLE
MANILA, Philippines — Makakatanggap ng dagdag na 30% sa suweldo ang mga empleyadong papasok at magdu-duty sa trabaho ngayong araw ng halalan.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ito ay makaraang ilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 1357 na nagdedeklara sa Mayo 9, 2022 national and local elections bilang isang ‘Special (Non-Working) Holiday.
“We highly encourage our workers who are registered voters to exercise their rights to suffrage, and if they will report to work on May 9 after casting their votes, they must receive an additional 30 percent in their daily pay,” ayon kay Bello.
Sa ilalim ng Chapter III, Article 94 ng Labor Code, kung hindi papasok ang isang empleyado, ia-aplay sa kaniya ang prinsipyo ng ‘no work, no pay’ maliban na lang kung may espesyal na polisiya ang kumpanya tulad ng nakapaloob sa ‘collective bargaining agreement (CBA)’.
Para sa mga papasok sa trabaho, babayaran sila ng dagdag na 30 porsyento ng kanilang ‘basic pay’ sa unang walong oras [(basic wage x 130%) + COLA].
Para naman sa mga lalagpas ng walong oras o mag-o-overtime, babayaran sila ng dagdag pa na 30 porsyento ng ‘hourly rate.
Sa mga magtatrabaho naman na babagsak sa kanilang ‘day off’, babayaran sila ng dagdag na 50% ng kanilang basic pay.
- Latest