Face shield, hindi pa required gamitin sa Marikina
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na hindi pa nire-require ng lokal na pamahalaan ang pagsusuot ng face shield sa lungsod.
Ayon kay Teodoro, ang paggamit ng face shields ay nananatiling opsiyonal sa Marikina.
Wala rin aniya silang anumang penalty o parusa na ipapataw laban sa mga indibiduwal na hindi magsusuot ng face shield.
Ipinaliwanag ni Teodoro na hinihikayat lamang nila ang publiko na magsuot ng face shields sa matataong lugar bilang karagdagang proteksiyon laban sa COVID-19.
“Ito ay bahagi lamang ng ibayong pag-iingat o added precaution sa crowded o congested areas,” aniya pa. “Pinapayuhan ang publiko na patuloy na mag-ingat lalo na at lumolobo ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila dulot ng Omicron variant,” dagdag pa ng alkalde.
Una nang napaulat na nire-require na ng Marikina City government ang pagsusuot ng face shield sa mga vaccination center, alinsunod na rin sa kahilingan ng mga vaccinators, at sa matataong lugar, gaya ng palengke.
- Latest