DOH naalarma sa pagtaas ng childhood pregnancy
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkaalarma si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa sa pagtaas ng bilang ng childhood pregnancy sa bansa.
Ayon kay Herbosa, nakapagtala ang bansa ng ‘very high incidence’ ng childhood pregnancy, o pagkabuntis ng mga batang wala pang 15-taong gulang.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2022, 59 kabataan na nasa 15-taong gulang pababa ang nabuntis, kada 100,000 populasyon.
Sa kasagsagan naman ng pandemic noong 2020, nasa 39.39 bata kada 100,000 populasyon ang nabuntis. Tumaas ito sa 44.06 noong 2021 at 59.34 noong 2022.
Sinabi ng kalihim na malaki ang kinakaharap na problema ng bansa sa teenage pregnancy.
Babala pa niya, isa ito sa nagko-contribute sa maternal mortality dahil karaniwan nang hindi sila nagpapa-prenatal.
High-risk din aniya ang mga kabataan na magka-eclampsia at hemorrhage sa kanilang panganganak.
Umaasa naman si Herbosa na makokontrol ito upang mabawasan ang maternal mortality.
- Latest