‘Listening tour’ ni Yorme, tigil muna
MANILA, Philippines — Pansamantalang inihinto ni Manila City Mayor at Aksyon Demoktratiko presidential bet Isko Moreno ang kaniyang pag-iikot para sa ‘listening tour’ upang tumutok muna sa paglaban sa tumataas na kaso ng COVID-19 na posibleng dulot na umano ng Omicron variant.
“Nakapokus tayo dito sa pandemic ngayon, itong surge. Kasi kailangan maagapan natin ito kaya hinahanda ko ang ating lungsod at ating mamamayan. That (‘Listening Tour’) will come later,” ayon kay Moreno.
Ininspeksyon na rin ni MOreno ang inihahandang quarantine facility sa lungsod.
Kailangan umano na mas mabilis ang kilos ngayon dahil sa maraming tao, kabilang ang mga doktor, nurses at iba pang medical frontliners, ang mabilis na nahahawaan ng virus.
“So nananawagan po ako, magpabakuna na kayo. ‘Pag hindi po kayo nagpabakuna darating ang araw, ilang oras ngayon o ilang araw ngayon o linggo ay pahigpit ng pahigpit ang magiging regulasyon sa unvaccinated,” panawagan ni Moreno.
Pinasaringan din ng alkalde ang mga indibiduwal na lumalabag sa quarantine protocols lalo na ang mga maykaya na magbayad sa mga awtoridad upang makatakas sa isolation.
- Latest