PLP students, bibigyan ng connectivity allowance ng Pasig LGU
MANILA, Philippines — Pagkakalooban ng Pasig City government ng connectivity allowance ang mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP) upang makatulong sa kanilang online classes.
Sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na ang bawat isa sa mahigit 3,000 mag-aaral ng pamantasan ay pagkakalooban nila ng tig-P500 kada buwan na connectivity allowance.
Aniya, ito ay ipapamahagi nila kada semestre na aabot ng P2,500.
“[Distribusyon ng cash cards ng mga PLP students] Ang bawat isa sa 3000+ mag-aaral ng ating Pamantasan ay may 500 pesos/month na #ConnectivityAllowance (distributed per sem-2,500),” aniya pa.
Ayon pa kay Sotto, ngayong linggong ito ay maaari nang makuha ng mga estudyante ang kanilang unang P2,500 allowance.
Kailangan lamang aniyang hintayin ng mga ito ang susunod na anunsyo ng lokal na pamahalaan.
Nagpasalamat din naman ang mayor sa staff ng PLP at ng LandBank sa kanilang pagtatrabaho sa araw ng Linggo para mailabas ang connectivity allowance.
“Mga next week puwede na nilang withdraw ‘yung unang 2,500 (pls wait for announcement). Salamat sa staff ng PLP at Landbank na nagtrabaho kahit Linggo,” aniya pa.
- Latest