Ginang na bumili ng gamot sa botika, patay sa pamamaril
MANILA, Philippines — Isang ginang ang patay nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki matapos na bumili ng gamot sa isang botika sa Brgy. Baesa, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Tatlong tama ng bala ang ikinasawi ng biktimang si Marisol Sandoval Dizon, 32, dalaga, walang trabaho, at residente ng 144 Alley 1, Brgy. Baesa.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), alas-12:00 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa gilid ng isang pharmacy sa 24F Carlos St., Brgy. Baesa.
Ayon kay PSSg Rhic Roldan Pittong, may hawak ng kaso, bago ang krimen ay abala umano sina Maricar Dela Cruz at Mary Jean Villaro sa pag-aasikaso sa kanilang mga kostumer sa canteen na nasa tabi ng botika, nang makarinig sila ng tatlong putok ng baril.
Nang kanilang alamin kung saan nagmula ang mga putok ng baril ay tumambad sa harapan nila ang duguang nakabulagtang katawan ng babae.
Habang namataan din ang isang lalaki na armado ng ‘di pa batid na kalibre ng baril, nakasuot ng itim na t-shirt at jersey short pants na tumatakbong papatakas.
Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa krimen para mabatid ang motibo sa pamamaslang.
- Latest