Landlord naningil ng renta, pinatay
MANILA, Philippines — Patay ang isang 41-anyos na kasera makaraang barilin ng kanyang tenant na tumangging magbayad ng kaniyang atrasado nang upa sa Tondo, Maynila noong Huwebes ng hapon.
Namatay habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Ronaldo Chiapoco, nakatira sa 131 E. Rodriguez St., Pacheco, Tondo. Nagtamo siya ng tama ng bala sa leeg at kaliwang bahagi ng katawan.
Kinilala naman ang nadakip na suspek na si Jeremy Norada, 26, ng 150 Sardonyx St., Tondo.
Sa ulat ng MPD-Homicide Section, alas-12:30 ng tanghali nang maganap ang pamamaril sa harapan ng inuupahang bahay ng suspek sa may E. Rodriguez St., Pacheco. Nagtatalo ang suspek at biktima sa hindi mabayarang upa ng una sa mahabang panahon.
Sa gitna ng pagtatalo ay biglang bumunot ng baril ang suspek. Tinangka pa ng biktima na agawin ang baril ngunit nabigo siya kaya tuluyan siyang binaril nito ng 2 ulit saka tumakas.
Naaresto sa follow-up operation ng MPD ang suspek habang nagtatago sa Imus, Cavite. Nahaharap siya sa kasong Murder sa Manila City Prosecutor’s Office.
- Latest