Istasyon ng police sa Binondo ni-lockdown: 46 nagpositibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Naka-lockdown ang isang istasyon ng Manila Police District (MPD) matapos umabot sa 46 miyembro nito ang nagpositibo sa COVID-19, ayon sa ulat kahapon.
Kinumpirma ni MPD District Director P/BGen Leo Francisco na nasa ilalim ng special quarantine o lockdown ang MPD-Station 11, sa Binondo, Maynila dahil lumabas na 46 na ang natukoy na positibo matapos ang isinagawang swab tests.
Nasa kabuuang 241 personnel ang nasa ilalim ng MPD-Station 11, kung saan natukoy ang mga tinamaan ng virus, bukod pa ito sa 87 pa na nakatakdang isalang sa swab tests.
Dalawa sa 46 kumpirmadong kaso, kabilang ang hepe nito, ay naka-confine sa ospital, isa ang severe case at ang iba ay nagpapagaling na.
Nagsimulang magtala ang MPD-Station 11 ng kumpirmadong kaso nitong Marso 3 hanggang Marso 13.
- Latest