Paggamit ng plastik, bawal na rin sa Parañaque
MANILA, Philippines — Bawal na ang paggamit ng plastik sa mga tindahan, restoran at pamilihan sa lunsod ng Parañaque simula sa Enero ng papasok na taon.
Sinabi kahapon ni Mayor Edwin Olivarez na matutuloy na sa Enero ang ban sa paggamit ng ‘single-use plastics’ sa lahat ng commercial establishments alinsunod sa ipinasang ordinansa ng konseho ng lungsod.
Ang Ordinance No.18-40 “regulating the use, provision and sale of styrofoam, plastic bags and plastic for prepared food and beverage containers” ay dapat noong pang Hunyo, 2020 ipinatupad subalit kinansela dahil sa coronavirus disease 2019 outbreak.
“This means that starting early next year, the city will no longer allow stores and restaurants to use plastic bags, and disposable straws and cutlery,” ani Olivares.
Hindi lamang masama ang styrofoam para sa kapaligiran, maaari rin itong maging sanhi ng pinsala sa mga tao at hayop.
Ang polystyrene styrofoam containers ay karaniwang gamit sa pagkain at inumin, Ito ay petroleum-based plastic na may insulation properties.
Ang paggawa ng styrofoam ay nagdudulot ng air pollution at lumilikha rin ng maraming solid at liquid waste. Napaulat ito noong taong 1986 bilang panglima sa lumilikha ng ‘hazardous waste’ ayon sa ulat ng US Environmental Protection Agency.
Taong 2011 nang ipagbawal na ng city council ang paggamit ng plastic bags sa dry goods at styrofoam sa mga pagkain.
Dahil sa naranasang malaking pagbaha sa lungsod sa panahon ng tag-ulan dulot ng mga basurang plastic bags at iba pang non-biodegradable containers na bumara sa mga kanal, sapa, Ilog at iba pang daluyan ng tubig, inamyendahan ang ordinansa ng city council.
Sa ilalim ng nasabing ordinansa, ibinawal ang paggamit ng plastic na kutsara, mangkok, serving tray tinidor, cups at stirrer.
Ang pinapayagan lang na gumamit ng plastik sa lungsod ang manufacturers para sa packaging habang ang supermarkets at public market vendors ay hinihiling na gumamit na lang ng biodegradable plastic.
Kaisa na ngayon ang Parañaque sa pagpapatupad ng plastic ban ng Muntinlupa, Pasig, Makati, Las Piñas, Quezon City at Pasay .
- Latest