Pulis sinakal ng nagwalang Egyptian
MANILA, Philippines — Bumagsak sa kulungan ang isang Egyptian national makaraang magwala sa tinutuluyang condominium unit sa Malate, Maynila at sakalin pa ang umaaresto sa kaniyang tauhan ng Manila Police District, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang inaresto na si Mouatssem Bellah Hassan, 39, nanunuluyan sa Unit 15D-2 15th floor ng Legaspi Tower sa may P. Ocampo Street, Malate.
Inireklamo siya ng kasong Alarm and Scandal at Maliscious Mischief ng pamunuan ng hotel na kinakatawan ni Renante Lazaro, building administrator; at kasong Direct Assault at Resisting Arrest ni Patrolman Jefferson Santos, miyembro ng Malate Police Station 9.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:15 ng hapon nang humingi ng tulong ang pamunuan ng hotel sa Malate Police ukol sa pagwawala ng suspek sa loob ng kaniyang condo unit.
Ayon kay Lazaro, nagsisigaw sa loob ng kaniyang unit ang dayuhan na nagdulot ng takot sa ibang mga tenants.
Binasag din ni Hassan ang salaming bintana ng unit at inihagis ang mga piraso ng salamin sa may P. Ocampo Street na nagdulot ng panganib sa mga dumaraang motorista at mga naglalakad.
Tumangging kumalma at sumuko sa mga pulis si Hassan kaya humingi ng tulog sa kaibigan niya na si Nabil Amer ang mga awtoridad.
Nagawa namang mapalabas ng kaniyang unit ni Amer si Hassan ngunit nang makita ang mga nag-aabang na pulis sa lobby ng gusali ay nagtatakbo ito.
Tinangkang pigilan siya ni Santos ngunit sinakal siya ng mas malaking dayuhan. Agad naman na natulungan si Santos ng mga kasamahan at naipatupad ang pag-aresto.
Kasalukuyang nakaditine ngayon sa MPD Custodial Jail ang suspek habang ipinasa ang imbestigasyon sa kaso sa MPD-General Assignment Section.
- Latest