Bagong Lagusnilad underpass, binuksan
MANILA, Philippines — Isang pang-world class na kalidad na Lagusnilad underpass ang binuksan kahapon ni Manila City Mayor Isko Moreno makaraang sumailalim ito sa ilang buwang renovation.
Bukod kay Moreno, kasama ring nagsagawa ng ‘ribbon-cutting’ si Vice-Mayor Honey Lacuna-Pangan para pasinayaan ang pasilidad na dinisenyo ng mga arkitekto mula sa University of Sto. Tomas (UST).
Pinuri ni Moreno ang mga arkitekto na kinilala niyang sina Archs. Juanito Malaga, John Fallorina, Sean Ortiz at Leon Tuazon na nakipag-ugnayan sa Department of Engineering and Public Works (DEPW).
Bukod sa maliliwanag na ilaw, may mural din ang mga pader ng underpass na nagpapakita ng kasaysayan ng Maynila at mga larawan ng mga pangunahing pasyalan sa lungsod. Ginawa ang mural at bass relief sa kolaborasyon ng National Commission for Culture and the Arts at NCCA Gerilya artists saka kumuha ng inspirasyon sa tanyag na artist na si Botong Francisco
Mayroon din itong 24/7 na security at mga CCTV cameras na nakakabit sa command center ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para malabanan ang dating problema ng panghoholdap at pandurukot.
Unang nadismaya si Moreno sa ginawa niyang inspeksyon sa underpass na puno ng vandalism, marumi at madilim habang ginagawang bahay ng mga palaboy at mga kriminal.
Ang renovation ng Lagusnilad underpass ay bahagi ng Lawton development master plan kung saan kabilang din dito ang pag-develop sa Arroceros.
- Latest