Korean national natagpuang patay sa condo
MANILA, Philippines — Isang Korean national ang natagpuang patay sa loob ng tinutuluyan niyang condominium unit sa Malate, Maynila makaraang manggaling sa isang pagamutan dahil sa paninikip ng kanyang dibdib at hirap sa paghinga, kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Sung Chul Hahn, 55-anyos, binata, nagtatrabaho sa Okada Casino at nakatira sa Unit 3172 ng isang condominium building sa may No. 2241 Taft Avenue, Malate, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Malate Police Station 9, dakong alas-11:20 ng Sabado ng tanghali nang itawag sa kanila ng pamunuan ng condominium building ang pagkakatagpo nila sa bangkay ni Sung sa loob ng kanyang unit. Ito ay makaraang magreklamo ang ibang residente ng gusali ukol sa masangsang na amoy na nagmumula sa loob ng kaniyang unit kaya binuksan ito at natagpuan ang nasawi na nakahiga sa kanyang kama at nasa unang lebel na ng dekomposisyon. Sa imbestigasyon ng pulisya, Agosto 10 nang isugod sa isang hindi nabanggit na ospital si Sung ng kaibigan niyang si John Young. Ayon kay Young, nahihirapan sa paghinga si Sung ngunit iginiit na negatibo naman ito sa COVID-19. Muling ibinalik sa kanyang condo unit si Sung ngunit nitong Agosto 14 nang magreklamo ang isang residente ng ika-31 palapag ng masangsang na amoy dahilan para matuklasan ang bangkay.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng MPD-Scene of the Crime Operatives (SOCO) at kinuha ang labi ni Sung ngunit nang malaman ang mga sintomas ng biktima ay nagdesisyon sila na huwag muna iproseso ang lugar ng insidente at ibinigay ang buong responsibilidad nito sa ahente ni Sung na si Angela Enriquez sa mga personal na gamit ng nasawing dayuhan.
Agad namang nagsagawa ng disinfection sa loob ng unit ni Sung para makatiyak ng kaligtasan habang isang waiver affidavit din ang pinirmahan ni Enriquez para mailipat sa pangangalaga ng Cruz Funeral Homes ang labi ni Sung. Sa medical report, nabatid na atake sa puso ang umano’y rason ng pagkamatay ng naturang dayuhan.
- Latest