Paglalagay ng motorcycle barriers, pinalawig
Hiling ng riders pinagbigyan
MANILA, Philippines — Pinalawig hanggang katapusan ng Hulyo ang palugit ng gobyerno sa paglalagay ng mga protective barrier sa mga mag-aangkas sa motorsiklo.
Ayon kay Joint Task Force Covid Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na pinagbigyan ang hiling ng mga motorcycle rider na mabigyan pa sila ng sapat na panahon para makatugon na makapaglagay ng barrier.
Nabatid na marami pa umano ang hindi alam kung saan sila makakabili ng aprubadong design ng barrier.
Sa konsultasyon, sinabi ni Eleazar na nasabihan na ang mga motorcycle dealer sa buong bansa kung saan makabibili ng barrier.
Meron din daw mahahanap aniya sa mga sikat na online store.
Nakipagkoordinasyon na umano si Eleazar sa Department of Trade and Industry (DTI) para matiyak na hindi makalulusot sa merkado ang mga substandard na barrier.
Sa pagpapalawig, nangangahulugan ito na sisimulan na ang panghuhuli sa mga nag-aangkas na motorcycle rider nang walang tamang protective barrier simula August 1.
Nitong buwan ay pinayagan ng gobyerno ang pag-angkas sa mga motorsiklo ng mga mag-partner, basta’t naninirahan ito sa iisang bubong at mayroon silang protective barrier para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019.
Limitado pa rin sa ngayon ang transportasyon sa gitna ng pandemya at piling sasakyan pa lang ang pinapayagang pumasada.
- Latest