Army reservist, 2 pa huli sa P6.8 milyong shabu
MANILA, Philippines — Isang army reservist at dalawa pa niyang kasamahan ang inaresto ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa parking lot ng isang shopping mall sa Quezon City kahapon.
Unipormado pa ang suspek na si reservist Private 1st Class Omar Salillaguia Pagayawan, 36, ng Brgy. Hugo Perez, Trece Martires, Cavite, nang maaresto kasama ang kanyang mga kasabwat na sina Arnel Abdul, 31, company driver; at Jonaid Londoy, 27, kapwa residente ng Caloocan City.
Ayon kay QCPD Director P/BGen Ronnie Montejo, ang mga suspek ay inaresto ng mga tauhan ng QCPD-Batasan Police Station 6, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) -Special Enforcement Service (SES), at PDEA Region 4A, dakong alas-8:30 ng umaga sa parking lot ng isang kilalang mall sa Commonwealth, QC, malapit sa Calle Bistro.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t kaagad na ikinasa ang operasyon.
Una umanong itinakda ang transaksyon sa Pasay City ngunit bigla itong kinansela at inilipat sa naturang mall sa QC kung saan naaresto ang mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang sa isang kilo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P6.8 milyon, P100,000 buy-bust money at isang Honda Fit motorcycle.
Pawang nakapiit na ang mga suspek at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.
- Latest