Tricycle, pedicab balik-pasada sa Maynila
MANILA, Philippines — Pinayagan na ring makabalik sa pamamasada ang mga tricycle at pedicab sa lungsod ng Maynila ngunit pinaalalahanan sa mahigpit na protocol sa ‘physical distancing’ at sanitasyon.
Sinabi ni Manila Traffic Bureau Director Dennis Viaje na isasailalim pa sa briefing ang mga TODA at mga asosasyon ng mga pedicabs para sa mga panuntunan na kailangan nilang sundin.
Dahil nasa ‘general community quarantine’, kinakailangan ng mga tricycle boy at padyak boy na palagiang magsuot ng face mask maging ang kanilang mga pasahero.
Dapat din nilang lagyan ng harang na plastic ang pagitan nila at ng pasahero, isang pasahero lamang ang dapat na sakay, at bawal ang backride o ang angkas sa likod.
Tinatayang nasa 14,000 ang rehistradong tricycle at 5,000 pedicab sa Maynila, hindi pa kasama rito ang mga kolorum.
Ipinaalala ni Viaje sa mga tsuper na bawal ang overpricing dahil sa nananatili sa P20 ang pamasahe sa pedicab at tricycle sa unang kilometro at dagdag na P5 sa bawat susunod na kalahating kilometro.
- Latest