Tondo district, isasailalim na rin sa ‘hard lockdown’
MANILA, Philippines — Tuluyan na ring isasailalim ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Manila Police District (MPD) sa ‘hard lockdown’ ang Tondo district na bahagi pa rin ng kampanya para mapababa ang bilang ng nagpopositibo sa coronavirus disease 2019.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno na maaring ipatupad ang 48-oras na hard lockdown sa Mayo 2-3 o kaya Mayo 3-4.
May pag-aaral kasi umano na ibinigay ang Port operators na pinakamahina nilang labas at dating ng mga bagahe ay tuwing Linggo at Lunes.
Naging masusi umano ang kanilang pag-aaral dahil sa maaapektuhan ang komersyo tulad ng pagsasara ng Divisoria na siyang nagsu-suplay ng mga paninda sa 17 palengke sa Maynila at iba pang karatig na lungsod habang naririto rin ang mga Pier ng Maynila.
Kapag ipinatupad ito, tiniyak naman ni Moreno ang sapat na suplay ng pagkain para sa mga residente sa loob ng dalawang araw. Patapos na umano ang pagbibigay nila ng food packs at uumpisahan na rin ang pamimigay ng ‘cash incentives’.
Unang isinailalim sa hard lockdown ang Sampaloc District dahil sa rami ng tinamaan ng virus sa distrito. Hindi pa umano masabi ni Moreno kung nagkaroon ito ng pagbabago sa pagkalat ng virus ngunit umaasa siya na naturuan na ng leksyon ang mga residente ukol sa hindi paglabas sa bahay.
- Latest