Market rules mas hinigpitan ni Mayor Joy Belmonte sa Quezon City
MANILA, Philippines — Nagpatupad pa ng mas matinding precautionary measures si Quezon City Mayor Joy Belmonte tulad ng social distancing at sanitation procedures sa lahat ng pampubliko at pribadong pamilihan sa lungsod.
Ayon kay Belmonte ang private market owners at kanilang mga stall owners ang responsable sa pagmamantine sa dami ng mga mamimili sa palengke sa anumang oras upang matiyak ang tamang social distancing doon.
“We understand that our residents still need to go out and buy their essentials such as food. That’s why we make sure to keep them safe by enforcing the protocols of social distancing and the wearing of facemasks,” pahayag ni Belmonte.
Kaugnay nito, sinabi ni Asst. City Administrator for Operations Alberto Kimpo, inabisuhan na ang lahat ng walong city-owned markets at 73 privately-owned markets at mga talipapa sa lungsod na lagyan ng walkway-to-per-individual ratio ang mga pamilihan at ang ratio ay dapat may halos one square meter ang pagitan ng mga tao.
“Kung ang walkway nila ay may sukat na 20 square meters, dapat ang papapasukin lang sa palengke ay dalawampung katao. Inaatasan din natin ang market owners na maging responsable sa pagpapatupad ng kaayusan ng pila papasok sa kanilang palengke,” pahayag ni Kimpo.
Ipaiiral din ng market authorities ang single entry at exit points sa bawat pamilihan upang maiwasan ang dami ng sabay sabay na pasok ng mga tao sa palengke.
Ayon kay Ret.Police Colonel Procorpio Lipana, head for operations ng City’s Market Development and Administration Department (MDAD) na dapat ay may lababo, malinis na tubig at alcohol na magagamit ang mga mamimili sa entrance at exit ng pamilihan .
Kailangan ding magpakita ang mga mamimili ng kanilang quarantine passes at nakasuot ng facemasks sa lahat ng oras. Round the clock na iikutan ng mga market authorities ang mga palengke at bibigyan ng facemasks ang mahuhuling walang suot nito.
- Latest