Nangingikil sa lumalabag sa quarantine naaresto
MANILA, Philippines — Nadakip ang isang lalaki na itinuturong nangotong sa dalawang lalaki makaraang magpanggap na pulis at akusahan sila na lumabag sa ipinatutupad na quarantine kamakalawa ng hapon sa Ermita, Maynila.
Nakilala ang nadakip na si Reynaldo Santos, 43, isa palang construction worker at dayo lang sa Maynila dahil sa nakatira siya sa No. 183 Halcon Street, La Loma, Quezon City.
Inireklamo siya ng mga biktima na sina Jimson Dela Vega, 25, cashier, ng Western Bicutan, Taguig City at Jay Bertudez, 38, obrero, ng Zapote 2, Bacoor, Cavite.
Sa ulat ng Manila Police District-Sation 5 (Ermita), nagpapatrulya sina PCpls Rowie Lizano at PCpl Jayson Landrito, kapwa ng Paco Police Community Precinct 5 dakong ala-1:30 ng hapon sa may Pedro Gil Street sa Ermita nang lapitan sila ng dalawang biktima na humingi ng saklolo.
Ayon sa dalawa, sinita umano sila ng suspek na nagpakilalang pulis dahil sa paglabag daw nila sa community quarantine. Nang malaman na hindi sila mga taga-Maynila, hiningan sila ng suspek ng pera kung saan aabot sa P10,500 ang natangay sa kanila.
Agad na umaksyon ang dalawang pulis at nasakote ang suspek na akmang papatakas na nang mamataan sila. Itinanggi naman ito ng suspek ngunit positibo siyang itinuro ng dalawa niyang biktima.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong Robbery Extortion at Usurpation of Authority sa Manila Prosecutor’s Office.
- Latest