Malabon City nanawagan ng dagdag na supply sa tubig vs COVID
MALABON CITY , Philippines — Hinimok ni Malabon City Mayor Lenlen Oreta ang mga kompanyang responsable sa suplay ng tubig sa lungsod tulad ng Maynilad at Manila Water na dagdagan ang suplay ng tubig sa mga kabahayan sa Malabon mula sa matitipid nilang tubig na nakalaan sa mga mall at iba pang komersyal na establisimento, alinsunod na din sa “community quarantine” na ipinatutupad ngayon sa Luzon.
Aniya, paalala ng Department of Health na mahalaga ang tubig bilang panlaban sa COVID-19 kasabay ng wastong paghugas ng kamay at tamang personal hygiene maaaring maiwasan ang pagkalat nito.
“Sa pagsara ng mga mall at mas maiksing operating hours ng iba pang establishments, may matitipid tayong kaunting tubig diyan na maaaring ipagamit naman sa mga residente,” ani Oreta.
Simula pa nang nakaraang taon ay nakakaranas na ng problema sa suplay ng tubig ang Malabon at ikinababahala ng alkalde kung magpapatuloy ito.
Kamakalawa ay ipinatupad na ang enhanced community quarantine sa buong Luzon na striktong ipapatupad sa lahat ng kabahayan kabilang na ang suspensyon ng transportasyon at “non-essential travels.”
- Latest