Bodegang may P10 milyon ‘hot meat’, ikinandado
MANILA, Philippines — Isang bodega na pinag-imbakan ng samu’t saring smuggled meat mula China ang ikinandado sa Tondo, Maynila.
Ito ay isinagawa ng Special Mayor’s Reaction Team(SMaRT) ng lokal na pamahalaan ng lungsod isang araw bago mag-Pasko kung saan sampung tonelada ng smuggled meat products na may katumbas na halagang P10-milyon ang nakumpiska.
Ayon kay SMaRT chief Major Rosalino Ibay, Jr. kailangan na matiyak na walang mga hot meat o smuggle goods na mabibili ang publiko at ihahain sa hapag sa Pasko at Bagong Taon.
Sa naturang operasyon ay wala namang lumitaw na may-ari o mula sa warehouse para tumanggap ng closure order. Tanging si Barangay Chairman Benjamin Torres ang tumanggap ng order.
Gayunman, sinabi ni Ibay na sinampahan na nila ng kasong kriminal ang may-ari ng warehouse na si Daniel Yulo at nagngangalang Jalen Yang na may-ari ng smuggled meat products mula China.
Wala umanong lisensiya o permit si Yulo.
Nadiskubre rin na ang mga dinala na banned meat ay galing din at konektado sa na-recover ng national meat inspection service sa Navotas.
“Kaya po galing itong Navotas na dinala lang dito para itago nila, na kung saan nakumpiska naman at nadiskubre ng veterinary meat inspection ng Manila City Hall,” dagdag ni Ibay.
Pinag-iingat naman ang publiko sa pagbili ng meat products na lulutuin at ihahain ngayong Kapaskuhan.
- Latest