4 tauhan ng towing company tiklo sa kotong
MANILA,Philippines — Sa kulungan ang bagkas ng apat na empleyado ng isang towing company nang akusahan ng umano’y tangkang pangingikil ng pera mula sa isang jeepney driver na nasangkot sa aksidente sa Quezon City, nabatid kahapon.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga naarestong suspek na sina Alfredo Leano, 25; Eddie John Decena; Randy Tumao, 22; at Ferdinand Bautista, 48; pawang empleyado ng M.J. Damian Towing Services.
Batay sa ulat ng pulisya, natukoy na dakong alas-10:00 ng gabi ng Biyernes nang maaresto ang mga suspek sa C.P. Garcia Avenue, Brgy. UP Campus, Quezon City habang nasa kanilang pag-iingat ang passenger jeepney na minamaneho ni Christian Narag.
Nag-ugat ang insidente nang masangkot umano ang minamanehong jeepney ni Narag sa isang aksidente, kung saan nakabanggaan niya ang isa pang jeepney sa Brgy. Libis, dakong alas-4:00 ng hapon.
Dapat sana ay dadalhin umano ng mga suspek ang jeepney ni Narag sa Traffic Sector 3 ng Quezon City Police District (QCPD) sa Camp Karingal, para sa gagawing imbestigasyon sa naturang aksidente, ngunit sa halip na sa presinto dalhin ay ipinarada ng mga ito ang kanilang towing truck sa C.P. Garcia Avenue at humihingi ng P5,500 na service fee.
Binabaan pa umano ang halaga sa P4,000 ngunit hindi pa rin pumayag si Narag.
Bilang ganti, tumanggi naman umano ang mga suspek na dalhin ang kanyang sasakyan sa police station kaya’t dito na nagsumbong sa mga awtoridad ang complainant, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga ito.
- Latest