Puslit na electronic waste nasabat ng BOC
MANILA, Philippines — Nasabat sa operasyon ng Bureau of Customs (BOC)-Manila International Container Port (MICP), at Environmental Protection and Compliance Division (EPCD), ang isang 40-footer container na misdeclared assorted electronic waste.
Ang shipment ay naka-address sa Vision Restore and Equipment Corporation at dumating sa MICP noong Nobyembre 6, 2019 mula South Korea.
Ayon sa report ng BOC idineklara ng consignee na mga gamit ng TV at mga electric parts ang kargamento subalit nang inspeksiyunin lumilitaw na mga electronic waste ang laman.
Dahil dito agad na naglabas ng alert order No. A/MICP/20191115-0247 si MICP District Collector Guillermo Pedro A. Francia IV sa kargamento at inirekomenda sa Accounts Management Office (AMO) upang bawiin ang accreditation ng importer at ng customs broker.
Mag-iisyu rin ang BOC ng re-exportation order sa consignee upang ibalik sa South Korea ang kargamento sa ilalim ng Customs Memorandum Order No. 38-2019 in relation to the provisions of Section 14 of Republic Act No. 6969 at Article 8 ng Basel Convention on the Transboundary Movements of Hazardous Wastes and their Disposal, kung saan kapwa signatories ang Pilipinas at South Korea.
Sinabi pa ng BOC na nagsasagawa sila ng imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng shipment at sampahan ng kaukulang kaso.
- Latest