Pulis na nanutok ng shotgun sa motorista, sinibak
MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Guillermo Eleazar ang isa na namang pasaway na pulis na walang habas na nanutok ng baril sa isang motorista na nag-viral ang video sa social media na naganap noong Hulyo 26 sa Quezon City.
Kinilala ni Eleazar ang pulis na si P/Master Sgt. Wilson Aquino, nakatalaga sa Tactical Motorcycle Reaction Unit ng Quezon City Police District Station 3 habang kinikilala pa ang isang lalaki na kanyang kasama.
Nabatid na naganap ang road rage incident dakong alas-2:35 ng hapon noong Hulyo 26 sa may Commonwealth Ave.
Sa salaysay ng biktima na itinago sa alyas na “Robert”, patungo siya sa Maynila nang isang puting Mitsubishi Montero SUV (ABA 1201) ang nais na lumipat sa kanyang lane na hindi niya pinagbigyan dahil sa alanganin ang pasok.
Dito biglang nag-cut ang naturang SUV at huminto kung saan isang lalaki ang naglabas ng baril buhat sa bintana ng SUV at itinutok sa direksyon ng biktima. Dito rin lumabas ang suspek na si Aquino na may dalang shotgun at sapilitang hinihingi ang kanyang driver’s license.
Natigil ang pangha-harass sa biktima nang lumabas ang isang lalaki na nakasuot ng berdeng t-shirt na may tatak na “Pulis” at inawat ang kasama saka umalis.
Personal na nagtungo kay Eleazar si Robert at inireklamo ang mga suspek nitong Agosto 8.
Nakatakdang sampahan ng kasong administratibo na Grave Misconduct at kasong kriminal na Grave Threat si Aquino.
- Latest