Manila fire: Ina, 2 anak patay
MANILA, Philippines — Patay ang tatlong miyembro ng pamilya nang ma-suffocate sa loob ng kanilang bahay habang nasusunog ang isang apartment sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawing sina Consuelo Baltazar, 45; mga anak na sina Samantha Chloe Ganitazo , 7; at Calvin Andrei Ganitazo, 4, pawang residente ng Unit A sa Dimasalang st., sa Sta.Cruz, Maynila.
Sa inisyal na ulat ni Senior Fire Officer 4, Victor Bag-It, Arson Unit ng Manila Fire Department, dakong alas- 5:00 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa Dimasalang St., sakop ng Brgy. 372, District 3.
Hindi pa tukoy ang sanhi ng sunog na tumagal lamang ng mahigit dalawang oras bago naideklarang fire-out alas -7:45 ng umaga.
May kalumaan na ang nasabing gusali na yari sa mixed materials.
Inaalam pa ang kabuuang halaga ng napinsalang ari-arian.
- Latest