Sundalo nagpapatakbo ng drug den, arestado
MANILA, Philippines — Timbog ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Southern Police District (SPD) ang isang aktibong sundalo sa loob ng isang drug den na sinalakay ng mga awtoridad sa Taguig City, kamakailan.
Nakilala ang inaresto na si Staff Sgt. Reynaldo Pulido, miyembro ng Philippine Army na nakatalaga sa 51st Engineering Brigade, 43 at nakatira sa AC Aguinaldo St., Salitran II, Dasmariñas, Cavite. Kasama niyang nahuli ang maintainer ng drug den na si Fernando Tiongson, alyas “Ando”, 53-anyos.
Sa ulat, alas-5 nang salakayin ng pulisya katuwang ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang drug den sa may Balatan Extension, Sitio Matatag, Brgy. Western Bicutan, Taguig City.
Nagawang makabili ng poseur buyer ng pulisya ng isang plastic sachet ng shabu buhat kay Tiongson na may timbang na higit-kumulang 5 gramo at nagkakahalaga ng P7,000. Matapos na iabot ang marked money, dito na sumulpot ang ibang mga pulis at inaresto si Tiongson na hindi na nagawa pang makapalag.
Tiyempo naman na nasa loob din ng drug den si Pulido na kliyente umano ni Tiongson at may hawak pang drug paraphernalia para umiskor ng shabu.
Bukod sa nabiling shabu, nakumpiska pa ng mga pulis sa lugar ang lima pang plastic sachet na may kabuuang timbang na 7.5 gramo at may halagang P51,000.
- Latest