261 nalason sa birthday ni Imelda
MANILA, Philippines — Nasa 261 katao ang na-food poison matapos silang dumalo sa ginanap na pagdi-riwang sa ika-90 kaarawan ni dating Unang Ginang Imelda Marcos sa Pasig City, kahapon ng tanghali.
Sa ulat ng Pasig City Police, nabatid na dakong alas-11:51 ng tanghali nang magsimula ang kasiyahan sa Ynares Sports Complex, na matatagpuan sa Shaw Boulevard sa Brgy. Oranbo, Pasig City.
Ayon kay Brgy. Oranbo chairman Richard Pua, Hulyo 2 pa ang kaarawan ng dating First Lady ngunit kahapon lamang ito ipinagdiwang sa naturang lugar, sa pangunguna ng mga anak ni Marcos na si Senadora Imee Marcos at dating Senador Bongbong Marcos.
Nabatid na aabot sa 2,500 na loyalista at sup- porters ng pamilya ang na-kiisa sa pagdiriwang.
Gayunman, nang mamahagi na ng mga packed lunch na kaagad namang kinain ng mga bisita, at ilang minuto ang nakalipas ay nagsakitan na ang tiyan ng mga ito.
Karamihan sa mga biktima ay nahilo at may mga nagsuka, kaya’t kaagad nang nilapatan ang mga ito ng paunang lunas habang ang iba ay isinugod sa mga pagamutan.
Sinabi ng barangay captain na ang ipinakain sa selebrasyon ay packed lunch na adobong manok, na may itlog at patatas.
Gayunman, hindi pa naman matukoy kung saan galing ang pagkain na na-ging sanhi ng food poisoning dahil sa marami umano ng mga nag-sponsor para sa pagtitipon.
Sinabi ng ilang biktima, iba na ang lasa ng manok nang kainin nila, pero dahil sa gutom ay kinain pa rin nila kaya sumama ang kanilang pakiramdam.
Kaagad namang inihinto ang pamamahagi ng pagkain upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mabibiktima ng food poisoning ngunit tuloy pa rin ang selebrasyon.
“Mahigit sa 200 na po ang mga na-food poison. Yung iba po ay severe (poisoning) at ang iba naman ay mild lang po.” sabi ni Pua.
Napag-alaman din na karamihan sa mga nabiktima ay ang mga senior citizen, may isang buntis ng anim na buwan ang binibigyan ng first aid at assistance ng mga tauhan ng Philippine Red Cross (PRC) at iba pang mga rescue teams mula sa iba’t ibang barangay sa Pasig.
Tiniyak naman ni Pasig City chief of police, P/Col. Rizalito Gapas, na masusi nilang iimbestigahan ang insidente.
Isasailalim din aniya nila sa pagsusuri ang mga pagkaing isinilbi sa pagtitipon upang matukoy ang dahilan ng pagsama ng pakiramdam ng mga biktima.
- Latest