Bagong director ng EPD, itinalaga
MANILA, Philippines — Itinalaga kahapon ang bagong district director ng Eastern Police District (EPD) sa katauhan ni P/BGen. Nolasco Bathan.
Ang pagtatalaga kay Bathan ay kasunod nang pagkasibak sa puwesto ni P/BGen Christopher Tambungan, na inireklamo ng pananakit at paninigaw ng isang lady cop kamakailan.
Ang appointment kay Bathan, na dating nakatalaga sa Police Regional Office 11 ay epektibo na kahapon, Hunyo 25.
Kaugnay nito, si P/Col. Florendo Quebuyen, na dating Deputy District Director for Administration (DDDA) ng EPD na itinalaga bilang officer-in-charge (OIC) ng distrito, ay nailipat naman bilang acting Executive Officer ng Directorate for Research and Development Office.
Matatandaang una nang sinibak ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Guillermo Eleazar si Tambungan nang mapanood sa CCTV footage ang ginawa nitong pananakit at paninigaw kay P/Cpl. April Santiago dahil lamang sa pagkabigo nitong maibigay ang police escort na kanyang hinihingi.
Si Tambungan, na nakatakda nang magretiro sa puwesto sa Disyembre, ay inilipat muna sa director’s office ng NCRPO habang iniimbestigahan pa ang reklamong kinakaharap.
- Latest