Drug bust nauwi sa shootout: 3 utas

MANILA, Philippines — Tatlo sa apat na hinihinalang ‘tulak’ ng droga ang nasawi matapos makipagbarilan sa ikinasang buy-bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Col. Rolando Balasabas, hepe ng Navotas Police ang mga nasawing suspect na sina Arnel Bagamasbad, alyas Arabo, 33; isang alyas Gurang at isang alyas Buwaya, habang tinutugis ang isa pa nilang kasabwat na si alyas Vandam.
Ayon sa ulat, alas-2:51 ng madaling araw nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy-bust operation laban sa mga suspect sa kahabaan ng North Bay Blvd. Champaca St., Agora Market, Brgy. NBBS Proper ng nabanggit na lungsod.
Matapos iabot ng mga suspect ang isang sachet ng shabu sa poseur-buyer, natunugan ng mga ito na pulis ang kanilang katransaksyon kaya agad naglabas ng baril at pinaputukan ang mga operatiba.
Napilitan namang gumanti ang mga pulis at matapos ang palitan ng mga putok, nakitang nakabulagta ang tatlong suspect habang nagawang makatakas ang isang kasama ng mga ito.
Narekober sa mga nasawing suspek ang isang cal. 9mm pistol, dalawang cal. 45 pistol, limang malalaking plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu at P300 buy-bust money.
Sinabi ni Balasabas na bago ang operation, isang linggong isinailalim sa surveillance operation ng kanyang mga tauhan ang grupo ni Bagamasbad kasunod ng natanggap na tip mula sa concerned citizen hinggil sa kanilang iligal na aktibidad.
- Latest


















