Mister na tumanggi sa tagay, pinatay
MANILA, Philippines — Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang mister matapos niyang tanggihan ang alok na tagay ng mga tomador na ka-barangay sa Pasig City, kamakalawa ng hapon.
Dead on the spot ang biktimang si Dionisio Reyes, 55, matapos na pagsasaksakin ng suspek na si Geraldo Castillo, 48, kapwa residente ng Brgy. Bambang, Pasig City.
Batay sa ulat ng Pasig City Police, dakong ala-1:35 ng hapon nang maganap ang krimen sa Pio Alvarez Street, sa Brgy. Bambang.
Ayon sa report, nag-iinuman ang suspek kasama ang ilang kaibigan sa tabi ng isang sari-sari store sa naturang lugar, nang dumating ang biktima at bumili ng sigarilyo.
Inalok umano ng suspek na tumagay ng isang basong alak ang biktima, pero tinanggihan nito at umalis na lang para umuwi.
Pero tumayo ang suspek at sinundan ang biktima at saka ilang ulit na pinagsasaksak sa iba’t -ibang bahagi ng kanyang katawan.
Dumating naman ang mga tauhan ng Brgy. Bambang Rescue Unit upang isugod sana ang biktima sa pagamutan ngunit patay na ito, habang naaresto naman ng mga awtoridad ang suspek sa isinagawang follow-up operation.
- Latest