Prostitution den ni-raid: 16 nasagip, 4 nadakip
MANILA, Philippines — Apat na sangkot sa pagpapatakbo ng prostitution den ang nadakip kung saan 16 kababaihan kabilang ang isang menor de edad ang nailigtas sa ginawang pagsalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), sa Makati City, iniulat kahapon.
Sa pulong-balitaan kahapon, iniharap sa media ang mga suspek na kinilalang sina Han Wang, alyas Logan Wang ; Fengping Yue, alyas Amber Yue; at mga Pinoy na sina Richelle Athena Maxine Landicho at RC Cordero.
Unang nakatanggap ng impormasyon ang NBI-AHTRAD mula sa Philippine Air Force (PAF) na isang menor de edad ang nagpasaklolo sa kanila na siya ay ni-recruit ng isang alyas Maxine para mamasukan sa prostitution den na pag-aari umano ni Logan.
Pebrero 22, 2019 nang dalhin umano ang biktima sa isang condominium sa Boni Avenue sa Mandaluyong City at doon niya nakasama ang nasa 15 pang kababaihan na karamihan ay mga menor de edad, kasama ang suspek na si Wang at nobyang si Leslie Dela Cruz at isang alyas Bakla.
Doon umano inoorder ng parukyanong pawang Chinese nationals ang babae para sa panandaliang aliw.
Nang umalis umano ang nobya ni Wang at tangayin ang salapi nito ay natakot si Wang at lumipat ng condominium sa Makati City.
Nang ipaalam ng biktima sa PAF ang bago nilang condomium na tinutuluyan ay sinalakay na ito ng NBI-AHTRAD at naisalba ang mga biktima. (with trainee Nicole Manlapaz)
- Latest