Pagpapaliban sa isasarang Tandang Sora flyover, aprub ng MMDA
MANILA, Philippines — Pinayagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang hiling ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na ipagpaliban ang pagsasara ng Tandang Sora flyover sa Commonwealth Avenue at intersection sa ilalim nito.
Sa halip na sa Pebrero 23, isasara ang naturang flyover at intersection ng alas-11:00 ng gabi ng Marso 1 para bigyang daan ang konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang anim na araw na postponement ay magbibigay ng sapat na oras para ipaalam sa iba’t ibang stakeholders ang nakatakdang pagsasara na makakaapekto sa 100,000 motoristang dumadaan sa Commonwealth Avenue at 3,000 motoristang gumagamit ng Tandang Sora intersection.
“Ngayong umaga ay sinimulan na ng mga kapitan ng mga barangay na ipagbigay-alam sa kanilang mga residente ang pagsasara ng flyover at intersection,” ani Garcia sa isang pulong balitaang ginanap sa tanggapan ng MMDA na dinaluhan din ni Quezon City Second District Representative Winston Castelo at Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte.
Sinabi ni Garcia na binigyan ng MMDA ng hanggang Linggo para alisin ang lahat ng obstructions, kabilang ang mga sasakyang iligal na nakaparada at mga illegal vendors, sa Luzon Avenue, Visayas Avenue, Congressional Avenue at iba pang alternatibong ruta.
“Inutusan na natin ang Task Force Special Operations para i-clear ang mga lugar sa paligid ng Tandang Sora. Ipagbabawal ang pagparada ng sasakyan, terminals, at pagtitinda para magamit ang mga kalsada,” saad ng naturang opisyal.
“Magkakaroon ng pulong ang mga apektadong barangay sa kanilang stakeholders. Magde-deploy din ng karagdagang traffic enforcers,” pahayag naman ni Belmonte.
Hiningi rin ni Belmonte ang tulong ng mga lider ng barangay para matukoy ang mga alternatibong maaaring daanan ng mga motorista.
- Latest