Task Force Yulo, binuo ng EPD
MANILA, Philippines — Binuo ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ang Special Investigation Task Group (SITG) upang maresolba ang kaso nang pananambang at pagpatay sa isang negosyante sa Mandaluyong City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay EPD Director P/Chief Supt. Bernabe Balba, ang SITG Yulo ang siyang tututok sa kaso ng pagpatay kina Jose Luis Yulo, 62, negosyante, residente ng Ayala Alabang Village, Muntinlupa City; gayundin kay Allan Nomer Santos, 55, flight operation staff/driver na kaibigan ni Yulo, residente ng Las Piñas City; at pagkasugat naman ni Esmeralda Ignacio, 38, stock broker, taga -Las Piñas City rin.
Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, na pinamumunuan ni P/Senior Supt. Moises Villaceran Jr., dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa EDSA Southbound, tapat ng Victor R. Potenciano (VRP) Hospital, sa Barangay Highway Hills, sa Mandaluyong City.
Sakay ng isang puting Toyota Grandia ang mga biktima at bumabagtas sa naturang lugar, nang pagsapit sa harapan ng pagamutan ay bigla na lang silang pinagbabaril ng mga suspek, na magkaangkas sa isang motosiklo.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin, na kapwa inilarawang nakasuot ng jacket at helmet.
Kaagad namang isinugod sa naturang pagamutan ang mga biktima ngunit idineklara na ring patay ng mga doctor sina Yulo at Santos, habang patuloy pang nagpapagaling si Ignacio.
Nangangalap ang pulisya ng mga CCTV footage ng insidente upang makatulong sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
- Latest