‘Spiderman’, inaresto
MANILA, Philippines — Isang French national na tinaguriang “French Spiderman” ang dinakip ng mga pulis matapos itong umakyat sa tuktok ng mataas na gusali na nagdulot ng pangamba sa ilang bystander sa Makati City, kahapon ng umaga.
Napag-alaman sa hepe ng Makati City Police na si Senior Supt. Rogelio Simon, alas-11:00 ng umaga nang simulang akyatin ng dayuhan na si Alain Robert, isang French Rock Climber at Urban Climber ang GT International Tower, na mata-tagpuan sa Ayala Avenue ng nasabing lungsod.
Nabatid na nakarating ito sa tuktok ng nasabing gusali sa ika- 64 na palapag na kung saan paikut-ikot pa ito.
Kung kaya’t kaagad na naglagay ng mga infla-table sa ibaba ng tower na pangsalo sa dayuhan kung sakali itong magkaaberya o malaglag na nagdulot naman ng tension at pangamba sa lugar.
Makalipas ang isa’t kalahating oras bandang alas-12:30 ng tanghali ay kusa namang bumaba ang dayuhan na kung saan tumalon pa ito sa inilagay na inflatable.
Dito na inaresto ang da-yuhan at agad na dinala sa nasabing himpilan ng pulisya.
Nabatid na kilala ang dayuhan bilang “The French Spiderman”.
Si Robert ay kilala sa kanyang free solo climbing, scaling skyscrapers nang walang gamit na climbing equipment, maliban sa maliit na bag ng chalk at pares ng climbing shoes.
Nasa 74 na malalaking gusali sa iba’t ibang lugar ang kanya nang naakyat.
Kabilang na dito ang Golden Gate Bridge, Petronas Tower sa Malaysia, Empire State Building at New York Times Building sa America.
Sa ngayon ay pinag-aa-ralan pa kung anong kaso ang isasampa nila laban dito.
Samantala, nakiusap naman si Atty. Howard Calleja kay Senior Supt. Simon na huwag nang kasuhan ang kanyang kliyente.
Related video:
- Latest