Dahil sa mga gang war curfew sa Maynila, inutos pag-igtingin
MANILA, Philippines — Bunsod ng nangyaring riot kahapon sa panulukan ng P. Paredes at S.H Loyola sa Sampaloc, inatasan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang Manila Police District at City Security Force na paigtingin ang implementasyon ng curfew ordinance laban sa mga kabataan.
Sa kanyang direktiba kay MPD Director, Chief Supt. Vicente Danao, sinabi ni Estrada na kailangang mapatigil ang paggala ng mga menor de edad mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Ang kautusan ay base sa ilalim ng City Ordinance No. 8547 o Discipline Hour na ipinasa ng City Council at pinirmahan ni Estrada.
Layon ng ordinansa na disiplinahin ang mga menor-de-edad sa Maynila, at para maiiwas din sila sa mga kapahamakan tulad ng riot at iba pang aksidente.
Batay sa ordinansa ang mga menor de edad na lalabag ay ipapasok sa ‘intervention programs’ ng barangay o isasama sa ‘community ser-vice’ ng barangay o charitable non-government offices.
Pagmumultahin naman ng P2,000 o isang buwang pagkakakulong ang mga magulang na may anak na 15-17 taong gulang, P3,000 o tatlong buwang pagkakakulong sa may mga anak na ang edad ay nasa 13-14 habang P5,000 naman o anim na buwang kulong sa magulang na may anak na nasa 12 taon gulang pababa.
Ang pagbabalik ng curfew ay bunsod na rin ng kahilingan ng mga magulang at residente dahil na rin sa madalas na insidente ng riot na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Kahapon ay grupo ng mga kabataan ang nakipagrambulan sa kalabang grupo sa Sampaloc, Manila. Ilan sa mga ito ay nasa edad 14 at kinasa-sangkutan ng mga kabataang babae.
- Latest