Brgy. chairman na nambugbog ng binatilyo, lumutang na sa DILG
MANILA, Philippines — Lumutang na sa tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang barangay chairman na inirereklamo ng pambubugbog sa isang 16-anyos na binatilyo sa loob ng isang barangay hall sa Sta. Cruz, Manila matapos lamang umano siya nitong mapagkamalang barangay kagawad.
Nabatid na dakong alas-8:35 ng umaga nang dumating sa tanggapan ni DILG Undersecretary Martin Diño si Brgy. Captain Felipe Falcon Jr., ng Brgy. 350, Zone 35, Dist. III, Sta. Cruz.
Gayunman, hindi inaresto ng mga awtoridad si Falcon dahil wala pa naman umanong warrant of arrest na inilalabas sa kanya ang hukuman.
Ayon kay Diño, naghain na rin si Falcon ng 15-day leave of absence upang bigyang-daan ang imbestigasyong isasagawa laban sa kanya kaugnay ng kinakaharap na reklamo.
Tumanggi rin umano itong magbigay ng anumang komento o reaksyon hinggil sa kaso.
Matatandaang si Falcon ay sinampahan ng kasong physical injuries in relation to the anti-child abuse law charges o Republic Act 7610, ng isang 16-anyos na binatilyo, na umano’y sininturon niya at hinataw ng dry seal, matapos lamang na mapagkamalan siya nitong barangay kagawad.
Matapos ang naturang insidente ay hindi na nagpakita pa si Falcon at lumutang lamang kahapon isang araw matapos na mag-alok ng P20,000 na cash reward para sa kanyang pagkaaresto ang concerned citizen na si Don Bagatsing.
Una na rin namang hinimok ni DILG Secretary Eduardo Año ang barangay chairman na sumuko na at tiniyak na sasampahan nila ito ng kaukulang kaso upang masibak sa tungkulin.
- Latest