Salpukan ng 2 bus sa EDSA: 32 pasahero sugatan
MANILA, Philippines — Tatlumpu’t-dalawang pasahero ang nasugatan ma-karaang magbanggaan ang dalawang pampasaherong bus kahapon ng umaga sa bahagi ng EDSA.
Sa imbestigasyong isinagawa ng mga tauhan ng Quezon City Traffic police, nabatid na ang aksidente ay naganap dakong alas-7:00 ng umaga sa ilalim ng MRT Kamuning, southbound lane ng EDSA.
Ayon sa report, nagbaba ng pasahero ang VIL-500 bus na may plakang ABE 2876 na biyaheng Novaliches-Baclaran nang salpukin sa likurang bahagi ng Bacla-ran Metrolink na may plate number na ACC 8732.
Sinabi ni Mark Hugo, driver ng Baclaran Metrolink, nawalan siya ng preno kaya sumalpok siya sa likurang bahagi ng VIL-500. Agad na nabigyan ng first aid ang mga nasugatan na sinasabing mga out of danger na.
Ang aksidente ay nagdulot ng matinding trapik sa bahagi ng southbound lane ng EDSA papuntang Timog area.
- Latest