NPDC nilinaw ang isyu vs Solgen Calida sa security sa parke
MANILA, Philippines — Ikinalungkot ni National Parks Development Committee (NPDC) executive director Penelope Belmonte ang pagkakasangkot sa kontrobersiya ng security forces ng ahensiya gayong lehitimo ang kontrata nila sa security provider na Vigilant Investigative and Security Agency Inc. (VISAI).
Paglilinaw niya, noong Hulyo 2014 pa nakakuha ng kontrata ang nasabing security agency sa ilalim nang noo’y Executive Director Elizabeth Espino na malinaw na dalawang taon bago siya (Belmonte) maupo sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpaliwanag si Belmonte kaugnay sa isyu ng pagkaladkad sa NPDC kasunod ng reklamong ibinabato laban kay Solicitor-General Jose Calida, dating may-ari ng VISAI, na isinampa sa Office of the Ombudsman ng isang Jocelyn Acosta.
Si Acosta ay napaulat ding supporter umano ni dating Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, na kelan lang ay naalis sa puwesto dahil sa quo warranto petition na iniharap ni Calida.
Sinabi ng spokesman ni Calida na si Atty. Hector Calilung na nagbitiw umano si Calida bilang chairman at president ng VISAI noong Mayo 30, 2016, bago maging Solgen.
Una nang pumutok ang ulat na ang security agency ni Calida ang nakakuha ng mga kontrata ng security personnel para sa mga parke na nasa ilalim ng panga-ngasiwa ng NPDC.
Pinabulaanan ni Calida ang akusasyon na nagsabing hindi siya nakikialam sa nasabing security agency dahil nagresign na siya at ang misis niya ang nagpapatakbo na hindi niya pinanghihimasukan.
- Latest