Kerwin Espinosa nagsumite ng counter affidavit sa drug case
MANILA, Philippines — Tanging ang self-confessed drug distributor sa Visayas na si Kerwin Espinosa ang nakapagsumite ng kontra salaysay sa reklamong illegal drug trade na inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Department of Justice (DOJ).
Personal na pinanumpaan ni Espinosa ang kanyang salaysay sa harap ng panel of prosecutors.
Gwardyado si Espinosa ng National Bureau of Investigation (NBI) nang dumating sa DOJ para dumalo sa preliminary investigation.
Samantala, no-show na naman ang hinihinalang big time drug lord na si Peter Lim sa pagdinig ngayong araw.
At sa halip na counter affidavit ang isumite, submission of evidence lamang ang iprinisinta ng kanyang abogado na si Atty. Magilyn Loja na nagsabi ring nababahala ang kanyang kliyente na magtungo sa DOJ dahil sa banta sa kanyang buhay.
Inalmahan naman ito ni Assistant Solicitor General Angelita Miranda na tumatayong abogado ng PNP-CIDG dahil salig sa Rules of Criminal Procedure, walang ibang pleading na dapat isumite sa preliminary investigation kundi affidavit.
Sa huli, pumayag din ang panel of prosecutors na bigyan ng karagdagang panahon si Lim para magsumite ng kontra salaysay sa third supplemental judicial affidavit ni Marcelo Adorco, dating tauhan ni Kerwin Espinosa, na bagamat isa sa mga respondent sa reklamo ay itinuturing ng PNP-CIDG na testigo sa kaso.
Itinakda ng panel ang susunod na pagdinig sa May 30, 2018 kung saan, bukod kay Peter Lim, binigyan na rin ng pagkakataon ang iba pang respondent na kinabibilangan nina Peter Co at Lovely Impal para magsumite ng kontra salaysay.
- Latest