Botohan sa 1 brgy. sa kalsada ginawa
MANILA, Philippines — Isinara ng barangay ang dalawang lane sa santolan road sa Barangay Valencia, Quezon City na nilagyan ng dalawang tent, mga upuan at lamesa upang dito gawin ang botohan kaugnay sa idinaos na Brgy. at SK elections kahapon.
Ayon sa barangay, napagpasyahan nila at ng Comelec na ipatupad ang eleksiyon sa tabi ng kalsada sa nabanggit na lugar upang mas maayos na maidaos ang halalan doon.
Sinasabing noong nagdaang barangay election ay sa brgy. hall ginawa ang halalan, pero dahil may mga umuukopa nang ibat-ibang opisina dito ay hindi na kakayanin na pagdausan pa ang barangay hall ng halalan.
Wala umanong malapit na covered court o paaralan sa naturang barangay kaya’t minabuting isagawa na lamang ang halalan sa tabing kalsada.
Sinabi naman ng mga botante na mas maayos na ngayon ang lugar ng botohan dahil hindi masikip at komportable ang kanilang pagboto.
Kaugnay nito, nagkaroon naman ng kalituhan sa mga botante ang pagboto nang hindi nila makita ang pangalan sa major list of voters sa barangay.
Sa Brgy. Pasong Putik ay nagkaroon naman ng hindi pakakaunawaan ng dalawang grupo ng watcher dahil sa pagkakaroon ng maraming address ng botante pero kalaunan ay nakaboto din makaraang makita dito ang pangalan sa major list ng mga botante.
Ilan pa sa mga lugar na nagkaroon ng konting mga problema sa pagkawala ng pangalan ng mga botante ay mula sa Brgy. Payatas, Bagbag at Batasan hills sa Quezon City.
- Latest