DSWD employee, pinatay
Nanabunot ng tindera
MANILA, Philippines — Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang empleyado ng Department of Social Welfare and Development matapos nitong sabunutan ang tindera na binilhan nito ng sigarilyo sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Jomanie Nebres Mendiola, 30-anyos, maintenance ng DSWD at residente ng No. 36 Riverside, Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang insidente ay naganap dakong ala-1:00 ng madaling araw sa tindahan na pag-aari ni Marie Patugallan sa No. 815 Riverside Unit 3, Brgy. Commonwealth ng nasabing lungsod.
Bago ang insidente ay bumili ng alak kay Patugallan ang pinsan ng biktima na nakilalang si Princess Castillejos.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating naman ang biktima upang bumili ng sigarilyo sa nasabi ring tindahan.
Habang bumibili ay nagsalita umano si Mendiola nang masasakit laban kay Patugallan sa hindi malamang dahilan kaya nagkaroon ng pagtatalo.
Sa gitna nang pagtatalo ng biktima at Patugallan ay dumating naman ang isa pang pinsan ng una na nakilalang si Janet Tajima at biglang sinabunutan ang nasabing tindera.
Tumulong din sa pagsabunot ang biktima at dahil nag-iisa lamang si Patugallan ay humingi ito ng saklolo sa kanyang mga kapitbahay.
Matapos ay nagulat na lamang sila nang may sumulpot na isang lalaki at sinaksak si Mendiola at nang duguang bumagsak, ay mabilis na tumakas ang ‘di pa nakikilalang salarin.
Agad na isinugod sa East Avenue Medical Center ang biktima subalit binawian din ito ng buhay sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.
Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na krimen.
- Latest