Buong puwersa ng Caloocan City police, sinibak
MANILA, Philippines — Dahilan sa serye ng mga kinasangkutang kontrobersya, ipinag-utos kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde ang pagsibak sa pwesto sa buong puwersa ng Caloocan City police.
Kasabay nito, sinabi ni Albayalde na sa kabuuang 1,000 tauhan ng Caloocan City police, una nang inalis sa pwesto kahapon ang nasa 297 na tauhan mula sa Caloocan City Police substations 2, 4 at 7 at sa susunod na linggo na lamang ang nalalabi o natitira pang puwersa ng nasabing himpilan.
“As of now I already relieved a total of 297 police personnels, but we will relieve and reshuffle the entire Caloocan City Police by next week except for the Chief of Police and those assigned in the headquartes department”, ani Albayalde.
“Yung tatlong station na ‘yun ay uunahin ngunit ang tinitingnan natin ang lahat ng personnel ay papalitan natin at iikot at mag-a-undergo sila ng retraining for 45 days”, ani Albayalde.
Sinabi ni Albayalde na ang ibang mga pulis ay may kakaharaping mga kasong kriminal at administratibo habang ang iba naman ay sasailalim sa re-training at itatalaga sa iba pang mga himpilan sa Metro Manila matapos ang pagsasanay sa mga ito.
“They will be retrained and they’ll be reassigned to other stations here in Metro Manila. They will not be able to go back to their position or their assignment in Caloocan,” paliwanag pa ni Albayalde.
Nabatid sa opisyal na pansamantala namang hahalili sa mababakanteng puwesto ay ang PNP Regional Public Safety Battalion (RPSB) sa batches na reshuffle sa mga ito.
Ang pagsibak sa buong puwersa ng Caloocan City Police ay matapos ang kontrobersyal na pagkamatay ng mga tinedyer na sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz sa kamay ng mga umabusong pulis at ang warrantless raid sa isang bahay sa lungsod.
At sa ginawang pagpasok at pagnanakaw sa bahay ng isang negosyante na nakunan pa ng CCTV.
Binigyang diin ni Albayalde na patunay lamang ito na hindi nila kinukunsinti ang sinuman sa kanilang mga tauhan na nakakagawa ng kamalian partikular na sa anti-drug campaign.
Tiniyak naman ng opisyal na hindi maapektuhan ang operasyon ng Caloocan City Police sa nasabing revamp.
- Latest