2 brgy. chairmen, itinumba
Sa Maynila at Caloocan
MANILA, Philippines - Dalawang barangay chairmen ang pinagbabaril at napatay ng armadong mga kalalakihan sa magkahiwalay na lugar sa Maynila at Caloocan City kamakalawa .
Sa lungsod ng Maynila, apat na suspect na armado ng baril ang nakabaril at nakapatay kay chairman Angelito Sarmiento, 59, ng Leyte St., Singalong Malate ng nabanggit na lungsod, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, kasalukuyang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanyang bahay ang biktima nang biglang pumasok ang mga salarin dakong alas- 9 ng gabi at walang sabi-sabing pagbabarilin ito.
Sa ulat ni PO3 Roderick Magpale ng Manila Police District-Homicide Section, masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang misis nitong si Joan na tiyempo namang nagtungo sa banyo.
Narinig pa umano ni Joan sa loob ng banyo ang komosyon at may nagsalita na “Asan yung asawa? “Ayan si Chairman”. at” Tara na!”, kung kaya hindi muna siya lumabas sa banyo hanggang sa matiyak na wala na ang mga pumasok sa kanilang bahay. Sa paglabas niya ay doon na niya nakita ang duguang mister na agad nilang isinugod sa pagamutan subalit idineklarang patay alas- 10:45 ng gabi.
Ayon pa sa ulat, ang biktima umano ay nasangkot sa iligal na droga at isinuko na rin umano ang sarili sa ‘Oplan Tokhang’ ng Malate Police Station sa takot sa mga awtoridad.
Samantala sa Caloocan City, pinagbabaril at napatay naman ng riding in tandem na suspects si Brgy. Chairman Jerrboy Mauricio, 40 ng Brgy. 68 at residente ng A. del Mundo St., ng nabanggit na lungsod, kamakalawa ng hapon.
Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa ulo at katawan at namatay mismo sa harap ng barangay hall.
Sa report nina police investigators SP02 Frederick Manansala at P02 Alvin Pascual, naganap ang insidente alas-4:10 ng hapon mismo sa may pintuan ng barangay hall ng Brgy. 68 na nasa panulukan ng A. Del Mundo at 11th Avenue ng naturang siyudad.
Kasalukuyang iniinspeksyon ng chairman ang ipinapagawang barangay hall nang dumating ang mga suspect na magkaangkas sa motorsiklong walang plaka at nakasuot ng helmet kung saan agad-agad na pinagbabaril ang biktima. Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspect.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 12 basyo ng bala ng kalibre .45 baril.
Dahil nga sa pinapaayos ang barangay hall ay tinanggal muna ang nakakabit na CCTV camera dito, kung kaya’t hindi nakuhanan ang pamamaril.
- Latest