4 sugatan sa sunog sa San Juan
MANILA, Philippines - Apat katao ang nasuga-tan nang sumiklab ang isang sunog sa isang residential area sa Brgy. Kabayanan sa San Juan City, kamakalawa ng gabi dahil umano sa isang depektibong kalan.
Batay sa ulat ng San Juan Fire Department, kabilang sa mga nasugatan ang isang Marilyn Reyes, 58, na nagtamo ng second degree burn sa katawan at siya umanong may-ari ng tahanan, na pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog sa A. Rita Street, kanto ng A. Bonifacio Street sa Brgy. Kabayanan.
Samantala, tatlo pang residente, na hindi na nakuha ang pagkakakilanlan, ang nagtamo rin naman ng minor injuries sa kanilang katawan dahil sa sunog.
Ayon kay Fire Marshall F/Chief Insp. Greg Bomowey, nakatanggap sila ng ulat na nagpapakulo ng tubig si Reyes bago mag-alas-10:00 ng gabi nang sumiklab ang apoy matapos nitong piliting gamitin ang isang sirang kalan, gayunman iniimbestigahan pa ito.
Sa pagtaya ng mga imbestigador, may 15 tahanan, na karamihan ay gawa sa mga light materials, ang nasunog sa apoy at aabot sa sa 75 pamilya ang naapek-tuhan nito.
Umabot ng ikaapat na alarma ang sunog na mabilis na kumalat dahil sa malakas na hangin. Tumawid pa umano sa kabilang bahagi ng A. Rita Street ang sunog dahil sa ‘‘transfer of heat.’’
Nahirapan rin naman ang mga awtoridad na apulain ang apoy dahil sa makikitid na kalsada sa lugar, mga gamit ng mga residente na tinatangka nilang isalba at nakaka- lat sa mga kalsada at mga taong nakikiusyoso sa sunog.
Bumagsak pa ang isang transformer ng Manila Electric Company (Meralco) na nakakabit sa isang posteng kahoy kaya’t kinailangan ng mga awtoridad na tuluyan nang putulin ang suplay ng kuryente sa naturang lugar.
Tinatayang aabot sa P900,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy, na naideklarang under control dakong alas-11:45 ng gabi bago tuluyang naapula dakong alas-2:46 ng madaling araw kahapon.
- Latest